Biyernes, Oktubre 4, 2013

MRT, Sakay na!

Nakasakay ka na ba ng MRT?

Metro Rail Transit o MRT. Isa ba ‘to sa sinasakyan mo sa t’wing papasok ka sa school, opisina, o kaya naman ay kapag namamasyal ka? Inaamin ko, isa ako sa mga libo-libong parokyano ng MRT kada araw.  “Libo-libo” talaga ang tantsa ko, ang dami talaga kasi ng mga tao, e. Isa ako sa mga ulong nadagdag sa 540,000 na pasahero na sumasakay sa MRT araw-araw.

Isa ako sa mga nadagdag na parokyano ng MRT simula ng matanggap ako sa trabaho ko. Bilang bagong gradweyt at lisensiyadong propesyonal, hindi dapat ako mapili sa una kong trabaho. Malayo man o… malayo (no choice)— gora lang, ang mahalaga ay maumpisahan ko nang gamitin ang lahat ng nalaman ko sa loob ng anim na taon na pagsusunog at pagbubunot(joke) ko ng kilay, para na rin makatulong sa pamilya. Kung maraming tulad ko na nadagdag sa populasyon ng tao sa MRT, hindi ko alam kung kumikita ba “sila” sa amin o talo-talo pa, dahil sa nakakainis at nakakainip na sistema nito. MRT sa umaga, pagpasok sa opisina. MRT sa gabi, pag-uwi. Galing akong Commonwealth Avenue at dahil mahirap sumakay ng jeep na papunta sa North Ave., no choice ako kundi ang sumakay papuntang MRT Q-Ave Station, ang pangalawang istasyon (Kung galing ka sa Northbound). Bumababa naman ako sa Magallanes Station, ang pangalawa sa pinaka-huling istasyon ng tren. Kahit kailan, hindi ko naging opsyon ang mag-bus dahil sa bagal na daloy ng trapiko sa EDSA.

Grabe, ang dami pala nating problema sa transportasyon sa lupa, pa’no pa sa karagatan at himpapawid? Baka kapag natuloy ‘yung plano nilang magkaroon ng “subway train” baka mabulabog ang mga lamang-lupa na ayon sa lola ko ay naninirahan pa din sa Maynila. Pero ‘di bale, matagal pa ‘yon. Baka mga fifty years bago maumpisahan ang proyektong ‘yon. Hindi pa raw kasi kasya ang budget… pero marami silang idadagdag na “pork barrel” sa Senado. Siksik liglig, umaapaw. Gagawa pala ako ng kunyariang organisasyon tapos magmamakaawa ako sa kanila na bigyan ako ng pera para sa organisasyon ko. Tapos sasabihin ko, pipty-pipty kami. Kung ayaw “niya”, de sige, mabait ako kaya 60:40 na lang pala. Sarap buhay! Eherm, hindi nga pala ako magaling sa pulitika kaya itigil na natin ‘tong usapang ‘to. Pero tinamaan ng lintik ‘yan, dahil nagta-trabaho na pala ako, nadagdagan na naman ang mga taong kakaltasan nila ng sahod. Hay, tama na nga. Bago pa ‘to maging fifty pages sa haba, huwag na muna nating pag-usapan ang ibang problema sa inang bayan natin, lalo na ang pulitika. Sa ngayon, magko-concentrate na lang muna ako sa MRT.

Okay, ngayong nalaman niyo na tatakbo ako bilang presidente ng Pilipinas, iboboto niyo na ba ako? De, joke. Siyempre dahil tapos na akong ikuwento kung sa’n ako galing at kung bakit ako napadpad sa MRT, sisimulan ko ng isa-isahin ang mga naobserbahan ko sa tuwing sumasakay ako ng tren na ito. Para sa akin, kakaibang experience ang makasakay sa MRT natin. Minsan, masaya dahil nakakarating ka sa paroroonan mo ng maaga, madalas nakakainis, yung tipong mapapamura ka na sa sobrang hussle sumakay dito. Pero kahit na ganoon, “It’s more fun in the Philippines” pa din siyempre. Aba naman, siyempre, it’s more fun talaga. Masaya maging Pinoy, `di ba?

Number one-O-one point one na rule— huwag kakalimutang mag-CR bago sumakay sa MRT. Kaya nga may CR sa bawat MRT Station, e. Kung tiwala naman kayong hindi kayo aabutan ng “tawag ng kalikasan”, o ‘di kaya’y maiihi, keri lang, ginusto n’yo ‘yan. Huwag lang sana kayong matulad sa taong na nakasabay ko sa MRT. Talaga namang nagpasabog ng “hanging habagat” mula sa paparating na “unos” sa loob ng tren. Dapat kasi tinatanong mo muna ang “okay ka ba tiyan?” o di kaya’y uminom ka na lang ng Yakult. Huwag na natin siyang pangalanan dahil hindi ko siya kilala, ni hindi ko nga alam kung sino sa mga katabi ko, basta ang alam ko, hindi ako ‘yon. Basta mga katoto, konting malasakit lang sa nakiki-amoy. Pagdating naman sa pabango, please lang, huwag po ‘yung matapang na pabango. Nakakahilo.

Maituturing ko na ang pagsakay sa MRT ay parang video games. May level one, two at three. Dahil no choice ka, kailangang mong malampasan ang mga level na ito. “Never say die!” dapat ang drama ng mga taong sasakay ng MRT. Kaya kung parokyano ka ng MRT, saludo ako sa inyo! Eksperto sa paghihintay, pagbabalanse, at mahaba ang pisi niyan. Ang level one, iyong tipong kararating mo lang sa istasyon ng MRT. ‘Yung hindi ka pa nakakatapak sa hagdan paakyat, e, may pila na. Dito, inihahanda ang sarili mo sa tunay na labanan sa susunod na level. Kailangan, patient ka. Kadalasan nangyayari ang pilang ito mga bandang alas-siyete pa lang ng umaga o di kaya’y alas siyete ng gabi. Masyado kasing maraming tao sa platform kaya naman ipinapatigil ang pagpasok ng mga tao sa MRT. Maraming tao dahil kaunting tren ang dumadaan. Kaunting tren pero ang kaunting tao lang din ang maisasakay (kapag hindi ka galing sa dulong station). Sa level two naman, ay kapag na-inspeksyon na ng guard ang bagahe mo, nakabili ka na ng ticket at maghihintay ka na sa platform para sa tren. Advise lang: kung madalas ka namang sumakay ng MRT, mag-stored card ka na lang para mabilis. Sa level three naman ay ang pagsakay mo ng MRT. Kung dumaan ang skip train, ikaw na ang pinaka-masuwerteng tao sa balat ng Maynila. Kung hindi, humanda ka na sa tunay na laban.

Minsan naisip ko, ano kaya kung sumali tayo sa sa Guiness Book of Records sa paramihan ng magkakasyang tao sa isang tren? Mas masuwerte pa ang sardinas sa lata, may space pa para sa sabaw. Pero sa MRT? *iling* Anyway, highway, ayos lang sana kung lahat ng tao ay nagmamalasakit sa kanilang kapwa. Madalas kasi, hindi e. Sikuhan, balyahan, tulakan at kung paminsan, sipaan. Grabe, people. *iling ulit* Pinanganak pa tayong wrestler? Boksingero? May mga matatandang hindi pinapaupo, may mga buntis na nakatayo, may mga batang dala ng kanilang magulang na hindi nakaupo. Tsk. Tsk. Hindi naman sa nilalahat ko, may mga pagkakataon naman na mayroong mabubuting loob na nagpapaupo sa mga nabanggit ko. Hindi ko naman masisi ang iba dahil sumusunod lamang sila sa agos ng tao na siyang nanunulak. Wala rin akong balak manisi, lahat naman kasi tayo nagmamadali. Inuulit ko, kaunting malasakit lang sa kapwa, mga katoto. May napapansin akong lalaki (na hindi naman ganoon katandaan) na pumupuslit sa bahagi ng tren na para sa mga babae. May mga tao sa gitnang parte ng tren na ayaw umurong kahit nakikitang siksikan at halos hindi na makahinga ang mga taong nasa pinto ng tren. Nakakalungkot na may mga tao talagang makasarili, maging komportable lamang sila sa kanilang pwesto ay ayos na. Wapakels na sila sa iba. Urong-urong din sa gitna ‘pag may space, lalo na sa mga malayo pa ang babaan. Maraming ayaw umurong dahil daw malapit na ang istasyon na bababaan nila. Katanggap-tanggap na dahilan pero inuulit ko, kaunting sakripisyo lang. Ganito talaga mabuhay sa mundo, parang bato, it’s hard. Pero kahit na ganoon, dapat hindi natin nalilimutan tumulong, magbigay at magmalasakit sa kapwa.

Gusto kong itanong mula sa kinauukulan, may pag-asa pa kayang maibsan ang ganitong problema sa MRT? Parami ng parami ang mga taong sumasakay dito. Sana naman po, may gawin silang paraan para mabawasan ang ganitong paghihirap ng mga commuters. Kung madadagdagan ng sampung piso ang pamasahe sa MRT, be sure it would all be worth it. Mahalaga ang pera sa pangaraw-araw, dapat sulit ang lahat ng ginagastos namin.

Maiba tayo, MRT was constructed to lessen the traffic congestion in EDSA, right? (nosebleed) Pero bakit ganu’n, parang walang pinagbago. Traffic pa rin sa EDSA madalas. Hindi na bagong balita ‘yan. No’ng ginawa ang MRT, oo, at nabawasan daw ng kaunti ang daloy ng trapiko pero hindi nagtagal ay dumami rin ang mga pribado at pampublikong sasakyan na dumaraan dito kaya back to normal na naman. Anyway, out of the topic na at lalo lang humahaba, nabanggit ko lang kaya pagbigyan na.

Sa mga kababayan kong kasangga ko sa pagsakay sa MRT araw-araw, saludo ako sa inyo! Ang titibay niyo, e. Survival of the fittest ang peg kapag sumakay ka ng MRT. Kung mahina ka, talo ka. Pero may pag-asa pa, mga kabayan. Tandaan niyo, ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan! Mabuhay ang bansang Pilipinas! Punitin ang Sedula! Biro lang.

Sa mga Juan dela Cruz na hindi pa nakakasakay ng MRT, ano pang hinihintay niyo? Sakay na!

#EffortSaPagType #WalangMagawa #Opinyon #Pilipino


3 komento: